Isinulat ni Jaycen Aligway
Bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga manggagawa ang pagod, peligro at paghihirap - mga kondisyong buhat ng mga mapaniil na polisiyang kanilang dinaranas at ng bulok na sistemang ating ginagalawan.
Noong Abril 22, niyanig ng 6.1 magnitude na lindol ang iba’t ibang bahagi ng Luzon na hindi lang puminsala sa mga istruktura kundi kumitil din sa buhay ng ilan. Ayon sa mga ulat na natanggap ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), hindi pinalikas at hindi pinauwi sa kanilang mga tahanan ang ilang manggagawa ng mga malalaking kumpanya sa kabila ng malakas na lindol at aftershocks.
Isa sa mga malalaking kumpanyang ito ang SM Supermalls na pagmamay-ari ng pumanaw na si Henry Sy Sr., ang pinakamayamang negosyante sa buong Pilipinas ngayong 2019 ayon sa Forbes Magazine. Umani ng batikos ang kumpanya mula sa ilang mga netizen dahil ang mga mamimili lamang ang nilikas samantalang pinagbawalan namang makalabas ang mga empleyado ng nasabing mall.
Ayon sa kaherang nakausap ng netizen na si @samgzn, hindi raw sila pinalikas ng SM Hypermarket at hindi daw alam ng kahera ang gagawin. Dagdag pa niya, tila walang pakialam ang pamunuan ng SM sa mga empleyado nito.
Tumugon ang netizen na si @kayenpepper_ sa nasabing tweet at ibinahagi ang kanyang karanasan bilang kahera sa SM.
Hindi sinagot ng pamunuan ng SM ang akusasyon ng mga kritiko nito. Ayon sa inilabas na pahayag ng kumpanya, isinagawa nila ang kanilang alituntunin sa panahon ng sakuna. Problematiko ang pahayag na ito sapagkat hindi nila nalinaw ang kanilang tindig sa alituntunin.
Malinaw na taliwas ito sa karapatan ng mga manggagawa na maging ligtas sa peligro lalo na sa panahon ng sakuna. Nakakagalit ang ganitong mga polisiya dahil sinisiguro lamang nitong ligtas ang kapital ng mga kumpanya, habang isinasantabi ang buhay ng mga empleyado. Anuman ang mangyari, pagkamal ng kita ang kanilang pangunahing layunin.
Isa lamang ito sa mga isyung kinakaharap ng mga sektor ng manggagawa. Naalala ko tuloy noong bumisita ako nitong nakaraang taon sa picket line ng mga manggagawa ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna na nagwelga dahil sa isyu ng kontrakwalisasyon.
Noong 2018, nanatiling kontraktwal ang mahigit kumulang 680 na mga manggagawa ng Coca-Cola kahit idineklara na ng Department of Labor and Employment - Region IV-A (Dole Riva) na dapat silang i-regularisa. Dahil dito, nagsagawa ng mga kilos-protesta at mga welga ang 140 na mga kontrakwal na manggagawa sa harap ng planta ng Coca-Cola Sta. Rosa, na umabot ng halos isang taon.
Ayon sa unyon ng mga manggagawa ng Coca-Cola Sta. Rosa, tinatayang nasa 64 milyong piso ang nawala sa kumpanya sa unang walong oras ng kanilang protesta. Patunay lamang ito na may kakayahan ang mga manggagawa na paralisahin ang produksyon ng mga kumpanya. Kung walang mga manggagawa, walang kikitain ang mga kapitalistang amo nito. Sa kabila nito, patuloy pa ring pinagsasamantalahan ng mga kapitalista ang uring manggagawa.
Maliban sa kontraktwalisasyon at hindi makataong mga polisiya, kinahaharap din ng mga manggagawa ang hindi nakabubuhay na sahod, hindi makataong kondisyon ng paggawa at kawalan o kakulangan ng benepisyo. Habang naghihirap ang mga manggagawa sa pagtrabaho ay patuloy namang lumalaki ang kita ng mga kapitalistang wala namang anumang ambag sa produksiyon.
Nagwagi ang mga manggagawa ng Coca-Cola laban sa kontraktwalisyon at naregularisa na ang ilan sa mga manggagawang kontraktwal noong taong iyon. Kinilala ng Kilusang Mayo Uno na ang tagumpay nila ay tagumpay ng lahat ng manggagawang kontraktwal sa buong bansa.
Naaalala kong binanggit ng isang manggagawa ng Coca-Cola sa aming mga estudyanteng bumisita sa piket na hindi matatapos ang laban ng uring manggagawa hangga’t may mga manggagawang nananatiling kontraktwal at walang seguridad sa trabaho, naghihikahos dahil sa hindi nakakabuhay na sahod, nasasailalim sa hindi makataong kondisyon sa paggawa, at hindi nakakatanggap ng mga karampatang benepisyo.
Ngayong taon, ginugunita natin ang ika-116 na pagkilos tuwing Mayo Uno o Araw ng mga Manggagawa. Muling nagtitipon-tipon ang iba’t ibang mga unyon at organisasyon upang lumabas sa lansangan at ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa para sa sapat na sahod at maayos na kondisyon sa trabaho. Pagkakataon din ito upang ilapit sa mga kandidato ngayong eleksyon ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa na dapat nilang tugunan.
Ang pagkilos na ito ay panawagan din para sa ibang mga sektor ng lipunan na makiisa sa laban ng mga manggagawa dahil magkakaugnay ang laban ng lahat ng sektor. Sa huli, ang nagkakaisang pwersa pa rin ng mga mamamayang lumalaban ang susi upang baguhin ang mapaniil na sistemang ating ginagalawan sa kasalukuyan.
Comments